Home Pangkalusugan Mga Benepisyo Ng Luya Sa Katawan

Mga Benepisyo Ng Luya Sa Katawan

186
0

Tulad ng pagbibigay ng kakaibang lasa at pangtanggal ng lansa sa pagkain, ang benepisyo ng luya sa katawan naman ay subok na sa usapin ng pangkalusugan.

Isang halaman ang luya na maraming dahon at may bulaklak na halong dilaw at berde ang kulay, pero mas kilala at ginagamit ang ugat nito o ginger root. Hinihiwa ang luya nang pino at pinapakuluan para gawing tsaa. Puwede din namang ibabad lamang ito sa isang baso nang mainit na tubig. Kung gusto ng instant, merong nabibili na powder form o nasa tea bag. Maaaring lagyan ng katas ng kalamansi o kaya lemon na may kaunting honey para maging salabat.

Bukod sa tsaa at salabat, nagagamit ang luya bilang gamot sa anyong capsule, syrup, candy, at essential oil. Bagamat ang 100 gramo ng luya, ayon sa United States Department of Agriculture (USDA) National Nutrient Database, ay halos tubig ang laman, puno naman ito ng carbohydrates, fiber, at protein. Mayaman din ito sa potassium, magnesium, phosphorus, at sodium. May dagdag pang vitamin C at B5, at folate. 

Taglay din ng luya ang maraming anti-inflammatory antioxidants, tulad ng gingerols, shogaols, at zingerones. Ang gingerol, halimbawa, ay nakakatanggal ng kirot (analgesic), nakakapangkalma (sedative), at nakakapanglaban sa bacteria (antibacterial). Kaya naman hatid nito ay lunas at ginhawa sa mga karamdaman.

Dahil sa gingerol, nakakatulong ang luya sa paggamot ng ubo, sipon, trangkaso, at makating lalamunan. Kung noon mga singer ang karaniwang umiinom ng salabat para protektado ang kanilang lalamunan at gumanda pa ang kanilang boses, ngayong panahon ng COVID-19 pandemic ay mas dumami ang sumusubok nito

Inaatake kasi ng bagong sakit na ito na sanhi ng coronavirus ang respiratory system, kabilang ang ilong at lalamunan hanggang sa baga. Ilan sa napatunayang sintomas ang ubo, sipon, trangkaso, at makating lalamunan. Bagama’t na may kumalat na balita sa social media na nakatutulong diumano ang pag-inom ng ginger tea para makaiwas o di kaya labanan ang sintomas ng COVID-19, wala etong scientific na basehan na pinagagaling niya ang sakit na ito.

Mainam din ang luya para sa oral health dahil pinapatibay nito ang mga ngipin at gilagid. Nakakatulong pa sa absorption ng mga sustansyang galing sa pagkain kaya napapadali ang pagtunaw ng laman ng tiyan at hindi magkaroon ng problema sa pagdumi.

Isa pang benepisyo ng luya sa katawan ang paggamot ng nausea, o pagkahilo na maaaring may kasamang pagduduwal. Mga buntis ang madalas na makaranas nito bilang sa tawag na morning sickness. Inirerekomenda ng American College of Obstetricians and Gynecologists (ACOG) ang pag-inom ng luya sa powder form na nakasilid sa tea bag o kaya capsule para mawala ang sintomas ng morning sickness. 

Ang luya daw kasi ay nakakatulong sa secretion ng iba’t-ibang digestive enzymes na siya namang bumabalanse sa stomach acid at pinapakalma ang stomach muscles kaya hindi umaasim ang tiyan. Kaya mainam din ito sa iba pang klase ng nausea na nararanasan ng mga nagpapagaling sa surgery at iyong may motion sickness, kabilang ang mga bata.

Dahil pa rin sa taglay nitong gingerol, may hatid ang luya na lunas sa sakit at pamamaga ng kasukasuan (joint inflammation) na kaugnay sa mga sakit na osteoarthritis at rheumatoid arthritis. Ang kirot sa puson na hatid ng menstruation ay naiibsan din sa pag-inom ng luya. Kapareho ito ng napag-alaman sa pag-aaral ng migraine at muscle pain.

Ang isa pang pag-aaral noong 2015 ay nagsabing bumuti ang sugar level ng mga pasyenteng may type-2 diabetes pagkatapos nilang uminom ng luya araw-araw. May epekto daw kasi ang luya sa pag-release ng insulin at paggawa ng trabaho nito sa katawan kaya umaayos ang carbohydrate at fat metabolism. Pero kakailanganin ang regular na pag-inom ng luya sa loob ng tatlong buwan bago makita ang magandang resulta.

Ayon pa sa ilang pag-aaral, nakakatulong ang luya sa pagbaba ng bad cholesterol at pagtaas ng good cholesterol, pati na sa pagkakaroon ng hypertension. Bagamat hindi pa subok itong gamot, walang masama na ipagpatuloy ang pag-inom nito para sa blood circulation.

Marami pang benepisyo ang luya sa katawan, mula pagbabawas ng timbang hanggang pag-iwas sa cancer at Alzheimer’s. Ngunit mas makakabuti na kumunsulta muna sa doktor bago inumin ito bilang supplement para malaman ang tamang dosage. Ang mga buntis, halimbawa, ay hindi puwedeng lumagpas sa tatlong kutsarita ng luya kada araw.

Comments

comments

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here